Matindi pa rin ang pagtutol ng Department of Health (DOH) sa kontrobersyal na vape bill na posibleng maisabatas sa pagpasok ng susunod na administrasyon.

Pagdidiin ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ihaharap nila "ang kanilang posisyon" sa usapin sa pag-upo ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr. sa puwesto.

"Patuloy ang kampanya ng Kagawaran ng Kalusugan, kasama ng ibang ahensya ng gobyerno, ng ating civil societies atsaka health experts and advocates laban dito sa vape bill na naglalayon padaliin ang access at paluwagin ang regulasyon sa mapanganib na produktong ito, lalung-lalo na sa ating kabataan. We believe na kapakanan ng ating kabataan ang nakasalalay dito kung saka-sakaling maipasa ang vape bill na ito," paliwanag ni Vergeire nitong Sabado.

Noong Enero, inaprubahan ng bicameral committee ang panukalang-batas. Gayunman, sinabi ng Malacañang noong Mayo na hindi pa ito natatanggap ng kanilang records division.

'Nakakapirma pa rin eh!' Sen. Imee, ipinagtanggol pagiging 'MIA' ni Sen. Bato

Nakapaloob sa panukalang batas na dapat na mailipat sa Department of Trade and Industry (DTI) ang pangangasiwa nito mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Ipinanukala ring puwede nang ibenta ito sa mga 18-anyos pataas.

Paniwala naman ni Vergeire, mas makabubuti kung susuportahan sila ng iba't ibang sektor laban sa pagtutol nila sa mungkahing batas.

"Kami ay humihingi ng tulong sa lahat ng sektor na sana ay masuportahan kami dahil alam naman po namin na napakaimportante ng vape bill na ito na hindi maipasa dahil it's going to affect the health of our children," pagbibigay-diin pa ni Vergeire.