Nakapagtala pa ang gobyerno ng 770 na kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa nitong Biyernes, Hunyo 24.
Ito na ang pinakamataas na naitalang kaso ng sakit mula noong Marso, ayon sa Department of Health (DOH).
Dahil sa bagong kaso ng nahawaan, umabot na sa 3,699,251 ang bilang ng sakit sa buong bansa habang nasa 6,068 naman ang active cases nito.
Nakapagtala rin ang DOH ng 3,632,676 na nakarekober sa sakit habang nadagdagan naman sa 60,507 ang bilang ng binawian ng buhay.
Sa nakalipas na dalawang linggong pagbabantay ng DOH, nakitaan nila ng mataas na bilang ng kaso ang Metro Manila, Calabarzon (Region 4A), Western Visayas, Central Luzon at Central Visayas.
Kaugnay nito, nanawagan muli ang DOH na pairalin pa rin ang safety and health protocols upang hindi na lumaganap pa ng Covid-19.