Isinusulong ni outgoing Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang pagpapalawig pa ng mandatory na pagsusuot ng face mask, kasunod na rin nang tumataas muling mga kaso ng COVID-19 cases sa bansa.

“Well, kung ako tatanungin mo, I will recommend that it should be extended because there's already an increasing number of cases,” pahayag pa ni Duque, sa panayam sa telebisyon nitong Huwebes.

Ayon kay Duque, hindi lamang naman kasi ang COVID-19 ang maiiwasan sa pagsusuot ng face mask, kundi maging ang iba pang karamdaman, gaya ng influenza, bacterial pneumonia, monkeypox, asthma at iba pa.

Una nang sinabi ni Pang. Rodrigo Duterte na ang mandatory na pagsusuot ng face mask ay hindi aalisin, hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, umaasa rin si Duque na magiging mas bukas ang susunod na administrasyong Marcos sa polisiya na nagmamandato ng COVID-19 vaccination na may kasamang eksepsiyon, lalo na ngayong tumataas muli ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 cases sa bansa.

Ayon kay Duque, ang pagdaming muli ng mga bagong kaso ng virus ay maaaring dahil sa hindi na pagsunod ng mga tao sa umiiral na minimum health standards, hindi lahat ng kuwalipikadong indibidwal ay nagpa-booster shot na, paghina na ng immunity ng mga mamamayan na hatid ng COVID-19 vaccines at ang presensya ng mas nakahahawang sub variant ng Omicron.