Ginawaran ng parangal ng Manila City government, sa pangunguna nina Mayor Isko Moreno Domagoso at incoming Mayor Honey Lacuna, ang kanilang mga loyal na empleyado na deka-dekada nang nagsisilbi sa lungsod.
Ang naturang awarding ceremony ay isinagawa nitong Miyerkules, sa Justice Cecilia Palma Hall sa Unibersidad de Manila, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-451 anibersaryo ng Araw ng Maynila bukas, Hunyo 24, Biyernes.
Nabatid na kabilang sa binigyan ng City Service Loyalty awards ay yaong mga empleyado nito na may 30, 35, 40, 45, at pataas na taon nang nagseserbisyo sa lungsod.
Samantala, pangungunahan rin naman nina Domagoso at Lacuna ang awarding ceremony para sa Outstanding Manilans ngayong Huwebes ng gabi.
Ang aktibidad ay isasagawa sa Metropolitan Theater upang bigyan ng pagkilala ang mga taong nakatulong sa pag-unlad ng lungsod ng Maynila.
Taun-taon, ang mga awardees ay mula sa iba’t ibang larangan, gaya ng negosyo, komunikasyon, pananalapi, public service, diplomacy at spiritual leadership.
Pinuri naman nina Domagoso at Lacuna ang lahat ng awardees, at sinabing ang parangal na ipagkakaloob sa mga ito ay maliit na paraan lamang nila upang mapasalamatan sila dahil sa kanilang malaking ambag para sa Maynila at pag-unlad nito sa mga nakalipas na taon.