Kamakailan lamang ay naging viral sa social media ang reaksiyon at facial expression ng isang aso mula sa Davao City, nang makita niya ang karayom para sa kaniyang CBC test.
Sa kaniyang Facebook post noong Hunyo 3, ibinahagi ng furmommy na si Sonia Geli (Sonia Tata William sa Facebook), 55 anyos, ang panlalaki ng mga mata ng alagang asong si Thali nang makita na ang itutusok na injection sa kaniya, para sa nabanggit na blood extraction.
"I viewed these pics many times paulit-ulit. Kuha kanina during blood extraction ng mga Vet sa mga rescue dogs ko. Late ko na napansin hitsura ni Thali after nireview ko mga pics. Nakakatawa talaga facial expression ni Thali… ang rescue dog namin na takot na takot sa needle."
"Pero hindi naman siya nag-resist ng kinunan na siya ng dugo kanina for her 2nd CBC Test, 'yon nga lang ang mukha niya ay hindi talaga mahitsura hehehe. Kahit paliguan siya ganiyan din mukha nya, nagtatakbo, kailangan pa namin dakpin. Titingnan ka muna parang nagmamakaawa na huwag na siyang injectionan o paliguan."
"Pero basta ako lang ang humawak sa kaniya, feeling kampante na rin siya," kuwento ni Sonia.
Bilang founder ng Davao Animal Rescue Volunteers Group, malaki ang puso ni Sonia sa pet dogs lalo na ang mga walang permanenteng tirahan o palakad-lakad sa kalye.
Sa dami ng rescue dogs niya ay di maiiwasang magkahawaan ng sakit.
"Pina-CBC complete blood count ko kasi mga rescue dogs ko ng time na ito. Nagkasakit kasi ng blood parasites o Erhlichia ang iba sa kanila dahil sa isang bago ko na rescue dog. Bale nahawa sila. Need ko ipa-CBC para malaman kung sino sa kanila ang mababa na talaga ang platelet," ani Sonia sa panayam ng Balita Online.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/06/22/shookt-yarn-facial-expression-ng-isang-aso-sa-injection-kinagiliwan-ng-mga-netizen/">https://balita.net.ph/2022/06/22/shookt-yarn-facial-expression-ng-isang-aso-sa-injection-kinagiliwan-ng-mga-netizen/
May mensahe naman siya sa mga kapwa dog owners, lalo't kapansin-pansin ang pagdami ng stray dogs na kanilang nare-rescue sa kalsada.
"Sa mga furparents or dog owners, please be responsible enough to your pets."
"Before owning a dog kailangang i-consider nila kung meron silang capacity sa pag-alaga, may budget sa pagpapakain, pagpapabakuna, pagpa-vet kung magkasakit, at lalo na dapat may oras sa kaniyang alaga."
"If one cannot guarantee to provide their needs then mabuti pa huwag na lang mag-alaga. Kasi diyan dadami ang stray dogs. Pinabayaan na lang sa lansangan ang kanilang mga alaga hanggang sa magkasakit, masagasaan at ma-impound."
"Ganiyan ang kadalasang makikita natin sa mga kalsada, mga asong gala dahil sa kapabayaan ng kanilang mga amo."
Nanawagan din si Geli sa mga local government unit, lalo na sa City Veterinary Office.
"Dapat consistent sila sa kanilang programa na Libreng Kapon at Laygit kasi mga paraan ito sa pagkontrol ng population sa mga stray animals particularly dogs and cats."
"Dapat consistent din sila sa pagbibigay ng libreng anti-rabies vaccines para sa kapakanan, hindi lang sa mga hayop kundi pati na rin sa mga tao."
Sinimulan umano ni Sonia ang pag-rescue sa mga aso at pagtatatag ng DARV group noong 2009.