Matapos ang ilang dekadang pananatili bilang Kapamilya ay mapapanood na sa Kapuso Network ang aktor na si Dominic Ochoa, para sa isang teleserye.
Ayon sa ulat ng "24 Oras", Hunyo 22, ipinakilala si Dominic bilang "bagong Kapuso" at kabilang siya sa nilulutong teleseryeng "Abot Kamay Na Pangarap" kasama sina Carmina Villarroel, Jillian Ward, Andre Paras, at ang dating Kapamilya leading man na si Richard Yap.
Batay naman sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, bagama't matagal na sa ABS-CBN at Star Magic si Dominic, ang kaniyang unang TV appearance ay sa GMA Network, sa youth-oriented show na "T.G.I.S" noong 1995 kung saan nag-guest lamang siya.
Matapos niyon ay naging regular cast member naman siya ng kalaban nitong programang "Gimik" sa ABS-CBN. At doon na nagsimula ang pag-usbong ng kaniyang career.
Nabuo ang trio nila nina Marvin Agustin at yumaong aktor na si Rico Yan, na tinawag na "Whattamen" noong 2000.
Markado ang kaniyang role bilang pari sa 2009 hit seryeng "May Bukas Pa" na nagpasikat kay Zaijan Jaranilla bilang si Santino.
Nagkaroon din siya ng lead role para sa "My Super D" (2016) at educational show na "Doc Ricky Pedia" (2017-2020).
Ang huli niyang teleserye ay "Huwag Kang Mangamba" (2021) at cameo role sa "2 Good 2 Be True" bilang batang Ronaldo Valdez.
Ang tanong, wala na rin ba siya sa Star Magic at pipirma ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center? Abangan!