Pumalo na sa mahigit 5,000 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Batay sa COVID-19 bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, nabatid na sa umakyat na sa 5,113 ang active cases ng COVID-19 matapos na madagdagan pa ng 593 bagong kaso.
Ito na ang pinakamataas na bilang ng active cases na naitala simula noong Mayo 3, 2022.
Sa ngayon, ang nationwide tally ng COVID-19 ay 3,697,793 na.
Sa naturang bilang, 3,632,196 na ang nakarekober mula sa karamdaman matapos na madagdagan pa ng 333, habang nadagdagan rin ng walo ang COVID-19 death toll at nasa 60,484 na sa ngayon.
Anang DOH, ang Metro Manila ang nakapagtala ng pinakamataas na COVID-19 cases sa nakalipas na dalawang linggo, na mayroong 2,793 kaso.
Sinundan ito ng Region IV-A (CALABARZON) na may 864 bagong kaso, Western Visayas na may 458, Central Luzon na may 413, at Central Visayas na may 231.
Sa kabila naman nito, iniulat ng DOH na nananatili pa rin ang occupancy rate ng mga pagamutan sa ligtas na antas na nasa 17.5% lamang o 29,967 occupied beds.