Aprubado na ng Department of Health (DOH) ang rekomendasyon ng vaccine expert panel na bakunahan ng COVID-19 booster shots ang mga kabataang kabilang sa 12-17 age group.
Mismong si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang nagkumpirma nito kamakailan.
Ayon kay Vergeire, aprubado na ni Health Secretary Francisco Duque III ang rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC).
Sa ngayon aniya ay bumubuo na ang DOH ng mga guidelines para sa booster vaccination sa naturang age group.
“Yes, guidelines are being drafted already by DOH,” tugon pa ni Vergeire, nang matanong hinggil sa isyu.
Wala pa namang tinukoy na eksaktong petsa si Vergeire kung kailan nila ito maisasapubliko.
Una nang sinabi ni DOH Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Myrna Cabotaje na naisumite na ng HTAC sa tanggapan ni Duque ang rekomendasyon nito para maaprubahan.
Sa sandali aniyang maaprubahan ito, maglalabas na ang guidelines ang DOH para masimulan kaagad ang pagtuturok ng booster shots sa mga kabataan.
Nilinaw naman ni Cabotaje na ang rollout ng booster vaccination para sa mga kabataan ay maaaring simulan muna sa mga immunocompromised, at isusunod naman ang natitirang iba pa sa mga susunod na araw.