Aabot sa 106 gramo ng 'methamphetamine hydrochloride o shabu' na nagkakahalaga ng ₱720,000 ang nasamsam ng awtoridad sa dalawang suspek sa Las Piñas City ng Huwebes, Hunyo 23.
Kinilala ni City Police Chief, Col. Jaime Santos ang mga suspek na sina Renald Manzala y Presnido, alyas Doy, 40, at Francis Villanueva y Flores, 45, driver, kapwa high value individuals (HVI) at residente sa Las Piñas City.
Ayon sa police report, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Purple Road, Gatchalian Subdivision, Brgy. Manuyo Dos, Las Piñas City,dakong 6:00 ng umaga na ikinaaresto nina Manzala at Villanueva.
Nakumpiska sa mga suspek ang umano'y ilegal na droga at marked money.
Nakatakdang sampahan ng kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002ang dalawang suspek na nasa kustodiya ngayon ng Las Piñas City Police Station Detention Management Unit.
“Ang ating laban kontra iligal na droga ay hindi pa tapos, maraming tao pa rin ang ayaw tumigil sa pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pakiusap ko sa ating mga kababayan na tulungan po ninyo ang inyong kapulisan sa pagbabantay, at maaaring ipagbigay alam sa awtoridad kung may nalalaman na patuloy sa ganitong kalakaran sa inyong lugar, makakaasa kayo na ang kapulisan ay patuloy na magbibigay ng serbisyo publiko upang mapanatili ang katahimikan sa ating nasasakupan,” pahayag ni Southern Police District Director, Brig. General Jimili Macaraeg.