Nag-walk out ang online personality na si Toni Fowler sa coronation night ng "Man of the World" male pageant na ginanap sa Baguio City noong Sabado, Hunyo 18, 2022.
Pakiramdam ni Fowler ay nabastos siya ng organizers dahil nasabihan daw siyang maging isa sa mga hurado ng nasabing pageant, subalit pagdating doon, VIP guest lamang siya.
Giit ng vlogger, hindi naman daw siya nagpunta roon para manood kundi para nga husgahan kung sino-sino ang magwawagi.
"Bakit ba ako nag-walk out? Masama 'yung loob ko ngayon kasi the reason why andito ako is nag-judge ako ng Man of The World. Pagkarating ko dito ngayon, eh parang nakikipag-negotiate pa raw kung judge ba ako o hindi, but nasa VIP seat naman ako," pahayag ng online personality.
Nag-effort pa raw siya at ang team para sa naturang event.
"Medyo busy kasi akong tao. Ito kasi 'yung mahirap eh. Charity work 'to, hindi ako bayad. I'm just here to help kasi may mga magbe-benefit dito na ibang tao kapag alam mo yun, nagpo-promote ka ng mga ganitong klaseng events. So, hindi worth ng oras ko na yung ipinunta ko dito," sabi pa niya.
Noong unang beses daw na naghurado siya sa event na ito ay pinalagpas niya nang hindi siya maipakilala bilang hurado. Sa pagkakataong ito, "too much" na raw ito.
"Nagpunta ako dito para mag-judge para sa Man of The World tapos pagkarating ko ro'n, hindi ako judge. Alam ko po 'yung worth ko bilang ako."
"This is too much. Nag-dress ako for this, nagpatahi ako for this, nandito ako para mag-judge at maging part ng coronation ng Man of The World dahil ako po yung kinulit, ate ko po yung kinulit," dagdag niya.
Nilayasan na lamang nila ang event pati na rin ang hotel na nai-book sa kanila ng organizers.
Para hindi na lamang ma-bad trip, minabuti na lamang nilang i-enjoy na nasa Baguio City sila.
Humingi naman daw ng paumanhin ang organizers ng pageant subalit hindi na bumalik pa roon ang social media personality.