Dahil sa matagumpay na kandidatura ni Senador Robin Padilla ay ilan pang celebrities umano ang ngayon pa lang ay buo na ang pasya para sumabak sa susunod na midterm elections sa 2025.
Ito ang sinabi ng showbiz columnist na si Manay Lolit sa isang Instagram update, Miyerkules.
Aniya, ang pagbulusok ni Padilla bilang numero-unong senador sa nakaraang eleksyon ang nagbigay inspirasyon sa ilan pang showbiz personalities na pasukin ang mundo ng pulitika.
“Ang dami pala na mga taga showbiz ang papasok sa politics sa year 2025, Salve. Siguro nga naloka sila na nag number 1 si Robin Padilla, at marami ng taga showbiz ang nanalo sa nakaraan election,” sey ni Manay Lolit.
Bagaman talo ang dating aktor at alkalde na si Herbert Bautista ay mataas pa rin naman umano ang naging ranking nito sa eleksyon, bagay na positibo pa rin sa isang kandidatong artista, sey ni Manay.
“Nakita naman natin na maganda naging performance ni Vilma Ssntos. Kahit ano pa sabihin, matatag parin ang mga Revilla sa Cavite,” dagdag na halimbawa ni Manay.
Aniya pa, magkakabit na ang industriya ng showbiz at politika.
“Kaya tignan ninyo lahat ng tatakbo sa susunod na election, tiyak na maraming artista ang nasa listahan. Tiyak na halos lahat ng puwesto meron isang taga showbiz na tatakbo. Hoping na sana lahat manalo,” siguradong sabi ni Manay habang walang pinangalanang kilalang personalidad sa showbiz.
Nitong nakaraang halalan noong Mayo, maliban kay Padilla ay maraming celebrities ang wagi rin sa kani-kanilang mga lokal na kandidatura.