Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Martes na tumaas pa ang COVID-19 growth rate sa National Capital Region (NCR) sa 72% ngunit nananatili pa rin naman anilang mababa ang hospital utilization rate kaya’t wala pang inaasahang pagtaas ng alert level sa rehiyon.

Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang seven-day average ng COVID-19 cases sa NCR ay tumaas sa 225 noong Hunyo 14-20, mula sa dating 131 lamang noong nakaraang linggo.

Ang reproduction number naman sa rehiyon ay umakyat pa sa 2.05 habang ang positivity rate ay nasa 4% naman.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente, habang ang positivity rate naman ay yaong porsiyento ng mga tao na nagpopositibo sa sakit, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na nasuri mula sa karamdaman. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang mabagal na hawahan ng virus.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kabila naman nito, mababa pa rin anila o nananatiling nasa ‘low risk’ ang COVID-19 hospital occupancy sa NCR na nasa 22% lamang.

Dahil dito, wala pa rin anilang inaasahang pagtaas ng alert levels sa rehiyon sa panahong ito.

“Forecasts show hospital bed occupancy will remain manageable and no escalation of alert levels at this time,” anang grupo.

“Medyo tumataas ang infection rate, but at this time, nananatili namang mababa ang healthcare utilization natin sa Metro Manila nasa 22%. So, hindi pa masyadong tumataas. Safe pa naman ang hospitals natin,” pahayag naman ni David, sa Laging Handa briefing.

Ani David, ang average daily attack rate (ADAR) sa NCR, o yaong 7-day average number ng mga bagong kaso ng sakit kada 100,000 katao, ay nasa 1.6 na ngayon at maaaring umabot sa 7 sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo o unang linggo ng Hulyo, base na rin sa projections ng OCTA.

“Posible ngang tumaas siya to 7. Ibig sabihin, kapag umabot tayo ng mga more or less 1,000 cases per day sa Metro Manila, ay nasa 7 na tayo na attack rate. At that rate or point, medyo mataas na ‘yung level of cases,” paliwanag niya.

Samantala, sinabi rin ni David na bukod sa NCR, may naitatala ring pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Cavite, Laguna, Rizal, Benguet, at Iloilo.

Ang mga kalapit na lalawigan aniya ay maaaring kakitaan na rin ng pagtaas ng mga impeksyon sa mga susunod na araw.