Umani ng iba't ibang reaksiyon at komento ang kuwento ng tricycle drivers na pilit pinagkakasya ang kanilang kita sa pamamasada sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Dalawa sa tricycle drivers ay nakapanayam sa "Sakto" ng DZMM Teleradyo nitong Hunyo 20, kung saan, sinabi ng unang tricycle driver na si "Kevin" na pinagkakasya nila ang ₱150 sa limang miyembro ng pamilya.

"Bibili na lang po kami ng kahit 1/4 halimbawa, repolyo… tapos bibili na lang din kami ng 1/4 na karne o kaya manok. Dati araw-araw namamalengke naman kami pero kasi yung bilihin kasi noon, dati mura pa," ani Kevin.

Ang tricycle driver naman na si "Bugoy" ay hindi na namamalengke kundi kumakain na lamang sa labas gaya ng karinderya. Sa halip daw na maubos ang oras sa pamimili at pagluluto, inilalaan na lamang niya ito sa pamamasada.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

"Kapos na po kami sa budget eh, dahil sa pagtaas ng gasolina… kailangan po yung oras eh, mahalaga po, kaya kumakain na lang po kami sa labas. Sa ulam, naghahati na kami ng asawa ko, tapos sa anak ko hiwalay yung ulam niya.

Nananawagan umano ang mga gaya nilang tricycle drivers na sana raw ay bumaba na ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Narito naman ang reaksiyon at komento ng mga netizen sa comment section ng YouTube channel ng ABS-CBN News.

"Sana nga magkaroon ng pagbabago, ang mahirap lalong malugmok nang malugmok sa kahirapan ang Pilipinas… patuloy na pagtaas ng gas, kaya patuloy pagtaas nga lahat ng bilihin. Ano na mangyayari sa bansa natin?"

"Magsipag na lang tayo, importante walang sakit."

"Hindi lang naman sa Pilipinas nagmamahal ang bilihin, nasa global crisis ang mundo ngayon."

"Sobrang hirap na talaga, lahat nagmahal na, sana naman mahabag ang Diyos sa Pilipinas at maging maunlad na ang lahat."