Inaasahang mas marami pang kaso ng COVID-19 ang maitatala sa bansa sa mga susunod na linggo, ngayong nakikita na ng Department of Health (DOH) ang pagsisimula ng panibagong ‘peak’ ng sakit.

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, masusi nilang minomonitor ngayon ang National Capital Region (NCR) na nakikitaan ng ‘significant increase’ ng COVID-19 cases na nasa 70%.

Ani Vergeire, ang average number ng mga bagong kaso sa rehiyon ay dumoble na kumpara sa nakaraang linggo habang ang average daily attack rate (ADAR) ay tumaas na rin sa 1.02.

“Right now what we're seeing is that the number of cases are continuously increasing, especially here in the National Capital Region, and we can see that this is really the start of the peak in the number of cases,” ani Vergeire, sa panayam sa telebisyon nitong Lunes.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“We are again guiding the public and making them aware that this might be the start that the cases will continuously rise in the next couple of weeks,” dagdag pa ni Vergeire.

Maliban aniya sa NCR, minomonitor na rin ng DOH ang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, at Northern Mindanao.

Sa kabila naman nito, nilinaw ni Vergeire na hindi pa dumaranas ng panibagong surge ng COVID-19 ang bansa.

“Let us not call this a surge because we try to avoid using this term from the previous increases in cases because this has caused a lot of confusion among the public,” aniya pa.

Ipinaliwanag ni Vergeire na ilan sa posibleng dahilan nang pagdami ng COVID-19 cases ay ang presensya ng mas nakahahawang sub-variants ng Omicron, pagtaas ng mobility sa bansa at ang nababawasang immunity ng vaccinated population.

Sa pinakahuling datos ng National Vaccination Operations Center (NVOC), nabatid na nasa 70 milyong Pinoy na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 habang 74.8 milyon naman ang nakatanggap na ng kanilang first dose.

Mababa naman ang bilang ng mga nakatanggap ng kanilang first booster dose na nasa 14.7 milyon pa lamang habang 648,000 naman ang nakatanggap na ng second booster dose, na ipinagkakaloob pa lamang sa mga frontline healthcare workers, senior citizens, at immunocompromised individuals.

Nitong Linggo, ang bansa ay nakapagtala ng 612 bagong COVID-19 cases, sanhi upang umakyat na sa 4,529 ang mga aktibong kaso ng sakit sa bansa.