Bagaman tinanggap ng sekyu sa viral Mandaluyong hit-and-run ang paumanhin ng SUV driver ay itutuloy pa rin nito ang reklamo laban sa suspek.
Ito ang paninindigan ni Christian Joseph Floralde sa panayam ng GMA News, Lunes, Hunyo 20.
“Paano kung namatay ako, paano 'yung pamilya ko? Paano kung walang dash cam na video tapos namatay ako? Sino masisi, sino hahabulin? Itutuloy-tuloy namin hanggang sa makamit namin 'yung hustisya na nararapat po sa akin,” giit ng sekyu.
Matatandaang higit isang linggo pa ang lumipas bago sumuko ang suspek na si Jose Antonio Sanvicente sa Philippine National Police (PNP) noong Hunyo 15.
Ito’y sa kabila ng tinamong injuries sa katawan ng security guard na hanggang ngayo’y iniinda ng biktima.
"Parang kumikibot 'yung katawan ko tuwing makakakita ng sasakyan lalo na 'pag malapit sa akin,"kuwento ni Floralde.
Muli ring inalala ng sekyu ang hindi inasahang pagsagasa sa kaniya ni Sanvicente.
“Sumuka ako ng dugo noon. Hindi ako makahinga noon, parang naipit 'yung labasan ng hangin. Kasi parang nauupos na kandila, parang titirik na," pagbabahagi ni Floralde.
Noong mga panahon na ‘yun, tanging ang pamilya niya lang aniya ang inisip niya para labanan ang bingit ng kamatayan.
“Sabi ko, kapag pumikit ako baka matuluyan ako.”
Nauna nang nagsampa ng kaso ang Mandaluyong police laban kay Sanvicente sa reklamong frustrated murder dahil sa pag-abandona nito sa inararong sekyu.
Ipinawalang-bisa na rin ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng suspek.