Walang naitatalang biglaang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) o surge sa bansa, lalo na sa National Capital Region (NCR), ayon sa Department of Health (DOH).
Tugon ito ng DOH sa pahayag ng OCTA Research Group na mayroon nang nagaganap na "weak surge" sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa low risk pa rin ang klasipikasyon ng bansa
Nakapagtala na ang gobyerno ng tatlong magkakasunod na araw na mas mataas ang mga kaso ng sakit kumpara noong Abril.
Sa datos ng DOH, umabot na sa 435 kaso ng sakit ang naitała nitong Hunyo 16, 539 nitong Hunyo 17 at 585 nitong Sabado, Hunyo 18. Lagpas na rin sa 4,000 active cases at ito ay pinakamataas mula Mayo 7.
“Let us not call it a surge ... Unang-una, when you talk about the surge, it’s a sudden increase in the number of cases. ‘Pag tiningnan nga natin, katulad ng sabi ko, oo, tumataas pero, hindi ganoon kabilis ang pagtaas, hindi ganoon kadami ang mga kasong naidadagdag,” pahayag ng opisyal.
Karamihan pa rin aniya ng mga kaso ay mild hanggang moderate lang ang sintomas at hindi kailangang magpa-ospital.
Mababa rin aniya sa 20 porsyento ang healthcare utilization sa bansa. Gayunman, sakaling umakyat sa 50 porsyento, maglalabas ng rekomendasyon ang ahensya upang maitaas ang Covid-19 restrictions.