Ikinatuwa ni Manay Lolit Solis ang pagkakaayos na sa wakas nina Megastar Sharon Cuneta at dating legal counsel ni Pangulong Duterte na si Salvador “Sal” Panelo.
Dumalo kamakailan si Panelo, kasama si Senator-elect Robin Padilla sa sa re-staging ng Iconic Concert nina Mega at Asia’s Songbird Regine Velasquez.
Anang talent manager na si Manay, “wala naman malaking issue iyon pagkanta ni Atty. Panelo sa isang kanta ni Sharon, naging issue lang dahil election.”
Matatandaan ang pinag-usapang isyu sa pagitan ng dalawa nang kantahin ni Panelo ang "Sana’y Wala Nang Wakas" sa isang event, bagay na hindi nagustuhan ni Mega.
Nauwi naman ito sa maayos na resolusyon matapos humingi ng dispensa si Mega nang iginiit ni Panelo na isa siyang Sharonian at ang mga awitin ni Mega ay alay niya sa kaniyang namayapang anak na may special needs.
“Mabuti naman at nandiyan si Robin Padilla na naging daan sa pagbabati ng dalawa. Para nga kasi napakapetty nito para hindi maayos lalo pa nga at malalaking personalidad sila,” ani Manay Lolit at sinabing lalong totoo ito sa parte ni Sharon na bantay-sarado ng midya.
“Saka isang karangalan narin na hanggang ngayon talagang kilalang kilala parin lahat ng top hits songs ni Sharon Cuneta, na gusto parin paulit ulit na kantahin ng lahat. Bongga di ba, ilang taon ng mga awitin pero hangga ngayon type parin marinig ng marami. Mega talaga!” saad ni Manay Lolit.
Matagumpay ang naging two-night concert ng duo sa Resorts World Manila noong Biyernes at Sabado.
Nakatakda namang lumipad ang dalawa para sa US leg ng Iconic.