May alay na makabagbag-damdaming mensahe ang Filipina weightlifter at Olympics gold medalist na si Hidilyn Diaz para sa kaniyang coach at boyfriend na si Julius Naranjo.

"Happy Birthday Coach @imjulius," ani Hidilyn sa kaniyang Instagram post noong Hunyo 14.

"Thank you for the love, for having multiple hats of responsibility in my life, for understanding and accepting me as who I am, and for always pushing me to my limit."

"You're a blessing in my life. God bless."

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Samantala, ngayong Linggo, Hunyo 19 ay isa sa mga dumalo sa "The Feast" ni Bro. Bo Sanchez na ginanap sa PICC ang Team Hidilyn na matagal nang dumadalo rito simula pa noong 2013.

Ayon kay Bro. Bo ay malapit nang ikasal ang magkasintahan at isa siya sa mga magiging ninong. Ibinigay niya ang mikropono kay Hidilyn upang magbigay ng mensahe para sa lahat.

Inamin ng atleta na noong 2013, walang direksyon ang kaniyang buhay, ngunit dahil sa pagdalo sa The Feast ay napalapit siya sa Diyos. Malaki ang naitulong nito sa kaniya upang magpursige sa kaniyang ginagawa. Hanggang sa nahulog ang loob nila sa isa't isa ng kaniyang coach na si Julius.

Sa katunayan, suot ni Hidilyn ang isang miraculous medal nang lumaban siya sa 2020 Olympics bilang simbolo umano ng panalangin at pananampalataya kina Jesus Christ at Mama Mary upang patnubayan siya sa kaniyang laban.

Hindi naman nabigo si Hidilyn dahil naiuwi niya ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics. Kaya naman, malaki rin ang pasasalamat niya sa kaniyang coach na boyfriend dahil sa inspirasyong dulot nito sa kaniya. Una silang nagkakilala sa isang international weightlifting competition noong 2017.

Noong Oktubre 2021 ay nangyari na nga ang kanilang engagement.

"I’m grateful to God that He sent Julius into my life. He makes my life easy, alam ng iba kung ano mga sinasakripisyo niya para maabot namin ang pangarap na ginto sa Olympics together with #TeamHD,” saad ni Hidilyn sa kaniyang Instagram post.

“Kinilig at masaya ako kasi siya mismo nagsabi God is the center of our relationship, kaya walang duda magye-YES ako dahil swerte ako may isang Julius nagmamahal, nag-intindi at sumuporta sa akin.”

Wala pang tiyak na petsa at venue ang magaganap na kasalan ngunit sinasabing ngayong 2022 ito mangyayari.