Nakatakdang pasinayaan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor, na ngayon ay Mayor-Elect, Honey Lacuna, ang Bagong Ospital ng Maynila sa Hunyo 24, kasabay nang ika-450th Founding Anniversary ng lungsod.

Sinabi ni Domagoso nitong Linggo na ang konstruksiyon ng bago at modernong pagamutan, ay 99.6% nang tapos at lahat ng major equipment ay nakaayos na sa pwesto.

“Malapit na po matapos ang 10-storey, fully air-conditioned Bagong Ospital ng Maynila. May helipad din po ito bilang paghahanda sa future na bibilin nating medEvac. Gusto ko pong ipakita na hindi porke't public facility, pwede na yan. Dapat kahit public facility, first-class service ang ibibigay sa tao.Kung ano ang nabibigay ng private hospital kaya rin dapat ng isang public hospital,” anang alkalde.

“The people deserve better. Pera naman nila ito kaya marapat lang na ibalik ito sa kanila sa pamamagitan ng maganda at dekalidad na serbisyo.May awa ang Diyos. Mabigyan lang tayo ng pagkakataon na makapaglingkod sa buong bansa, gagawin din natin ito sa bawat sulok ng Pilipinas,” dagdag pa ni Domagoso.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ng alkalde na malaking tulong sa tagumpay ng proyekto at iba pang programa ng lokal na pamahalaan, ang suporta ni Lacuna, bilang bise alkalde at presiding officer ng Manila City Council.

Pinuri rin ni Domagoso ang mga construction workers, at ang grupo ni city engineer Armand Andres dahil sa kanilang pagsusumikap na matapos ang naturang pagamutan sa lalong madaling panahon.

Nabatid na ang naturang state-of-the-art na Bagong Ospital ng Maynila ay mayroong 384-bed capacity, 12 intensive care units (ICUs) at 20 private rooms, gayundin ng iba pang amenities gaya ng three-storey parking building, helipad at iba pa.

Ang emergency room nito ay mayroong kabuuang 30 higaan at ang buong pagamutan ay magiging fully-airconditioned sa sandaling magsimula na ang full operations nito.

Tiniyak rin ni Domagoso na ang bagong pagamutan ay maaaring ihanay sa mga nangungunang pribadong pagamutan sa bansa, pagdating sa mga pasilidad at serbisyong maaaring i-avail dito, att ang kaibahan lamang aniya ay libre itong ipagkakaloob para sa mga mamamayan.