Ibinahagi ni Senador Robin Padilla na ang secret weapon niya sa pagiging number 1 at pagkapanalo bilang senador sa nagdaang halalan ay ang mag-asawang sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating First Gentleman Mike Arroyo.

Sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Hunyo 18, tinawag ni Robin ang mag-asawa bilang "Hari at Reyna ng buong kampanya" niya. Marami umano ang nagtatanong sa kaniya kung ano ang naging sikreto niya at naging numero uno siya sa ranking ng 12 senador na nagwagi.

"Ang Hari at Reyna ng buong kampanya ko," ani Robin. Isinama rin niya ang kaniyang 'utol' o ang anak ng mag-asawa na si Mikee Arroyo.

Ninang pala sa kasal ni Robin si PGMA noong siya ay nasa Bilibid pa raw. Ganoon na raw katagal ang pagmamalasakit nito sa kaniya.

"Mula noon sa kulungan hanggang sa naging mga suspect kami bilang mga extremist, si ninang GMA ang laging tumatayo sa gitna at ipinagtatanggol ako at inaayos ang buhay ko. Hindi niya kailanman ako pinabayaan. Pinangatawanan niya ang pagiging ninang niya."

"Si first gentleman naman hindi ako iniwan mula noon. Naaalala ko pa ng presidente ako ng MUAY THAI Philippines, nagkaroon ng Southeast Asian games, pinuntahan pa kami ni first gentleman habang nagte-training ang mga fighters ko at binigyan kami ng moral support at sa araw na lalaban na kami."

Ibinahagi rin ni Robin kung paano siya tinulungan ng mag-asawa sa nagdaang pangangampanya.

"Ngayon naman eleksyon, nabalitaan ni ninang wala akong logistics. Nagsagawa siya ng mga conference at convention para sa akin. Inikot ako sa Pampanga at sa Iloilo."

"Sagot lahat ni FG."

"Wala akong kagastos-gastos."

Ang resulta raw nito ay naging numero uno si Robin sa Pampanga at Iloilo.

Sa dulo ng kaniyang post ay pinasalamatan at binigyang-pugay ni Robin ang mag-asawa gayundin ang mga Kapampangan at Ilonggo.