Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkaharap na sina Megastar Sharon Cuneta at senatorial candidate Atty. Sal Panelo, nang bisitahin ng huli ang una sa backstage ng naganap na concert nito.

Isinama ng kaibigan ni Shawie na si Senador Robin Padilla si Panelo na nagsisilbing adviser niya. Ibinahagi naman ni Megastar ang mga litrato nila sa kaniyang Facebook post nitong Hunyo 18. Ang concert na ito ay pinamagatang 'ICONIC' na muling pagsasama nila ni Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid.

Ayon kay Sharon, mukhang magkakapelikula sila ni Robin kahit nauna nang sinabi ng senador na pansamantala na muna siyang magpapaalam sa showbiz limelight para makapagpokus sa kaniyang trabaho bilang senador.

"Before and after ICONIC last night! Our beloved friends surprised us, including number 1 Senator Robin @robinhoodpadilla who came with Sec. Panelo! ani Sharon.

Relasyon at Hiwalayan

Jak masaya pang sinalubong ang 2025; netizens, napansing iba ang kasama niya

"P.S. Robin and I are now planning a movie together for you!" dagdag pa ng Megastar.

Matatandaang nagkaroon ng isyu sa pagitan nina Cuneta-Pangilinan at Panelo nang awitin ng huli ang iconic song niyang "Sana'y Wala Nang Wakas" sa isang event, bagay na pinalagan naman ng una.

Umani ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen. Iginiit ni Panelo na isa siyang Sharonian at ang mga awitin ni Mega ay alay niya sa kaniyang namayapang anak na may special needs.

Sa huli, binura ni Mega ang mga negatibong post niya tungkol dito at humingi ng dispensa sa lahat.

Humirit naman ang mga netizen na sana raw ay mag-duet ang dalawa, lalo't may version na rin ng awitin si Panelo sa ilalim ng Viva Records.