Tiniyak ng pulisya na magpapatupad sila ng maximum tolerance sa inaasahang protesta laban kay president-elect Ferdinand Marcos, Jr. sa inagurasyon nito sa Hunyo 30, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Pagdidiin ni NCRPO spokesperson Lt. Col. Jenny Tecson, susunod sila sa tinatawag na "rule of law" sakaling hindi na makontrol ang sitwasyon sa inagurasyon ni Marcos sa National Museum sa Maynila sa Linggo.

"Kung sila na po ay makasasakit, makasisira at nanggugulo na, we have no other choice but siyempre po ay kakausapin po natin sila nang maayos at ii-implement pa rin po natin ang maximum tolerance, iyong ating rule of law, lalo na iyong human rights din.Pakikiusapan natin sila na maghinay-hinay at gawin itonangmaayos upang sa gayon ay maging maayos din po iyong gagawing activities," ani Tecson nang kapanayamin sa telebisyon.

Nanawagan din ito sa mga raliyista na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa kanilang protesta.

Eleksyon

Jake Ejercito, pinakilala 6 niyang senador: 'Iba naman!'

Umapela rin ni Tecson sa mga raliyista na isagawa ang kanilang protesta sa tamang lugar upang maging maayos ang lahat.

"At para rin po sa kaligtasan ng lahat po ng dadalo kaya nakikiusap po ang pamunuan po ng PNP, ang NCRPO lalo na, na iyong ating mga kababayan ay tumalima lalung-lalo na po at ini-expect din po natin na may mga kababayan pa rin po tayo na they will air or lalabas diyan para ilabas ang kanilang mga saloobin or hinaing at iyan naman po ay hindi natin ipinagbabawal," pahayag pa ng opisyal.

Kaugnay nito, nilinaw ni Tecson na wala pa silang natatanggap na banta sa seguridad bago pa maisagawa ang inagurasyon ni Marcos.