Matapos ang 17 taon, kumalas na ang bokalistang si Kean Cipriano sa kilalang 2005 pop rock band na Callalily.

 Sa ulat kamakailan ni MJ Felipe ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Kean ang kanyang pag-usad na mula sa mga dating kagrupo sa sikat na banda.

“I’m moving on. I’ve moved on. I’m moving forward and I wish them all the best,” saad ni Kean.

Tila hindi naman naging maayos ang naging hiwalayan ng bokalista at ng banda kung saan inamin ni Kean na nagkaroon ng lamat ang relasyon niya sa mga kagrupo.

Musika at Kanta

Regine, nakatanggap ng apology letter matapos maetsa-pwera sa billing ng MYX Global

“I believe we’re not in good terms. That’s sad, of course. I think in a group na magkakasama for seventeen years, ang dami na ring nangyari. Medyo matagal na rin kaming ‘di okay. Parang ibang chapter na siya for us,” saad ni Kean.

Ito’y sa kabila ng itinagang “Callalily is here to stay” ni Kean noong ipagdiwang ng grupo ang ika-15 taon sa industriya  noong 2020.

Kasalukuyang abala ngayon si Kean sa kanyang record label na “OC Labels.”

Ang kantang “Ilaw,” ang pinakahuling materyal ng Callalily noong Enero 2021.

Sa parehong ulat ni MJ, binitbit din daw ni Kean ang pangalan ng banda dahilan para bumuo ng panibago ang mga dating kagrupo.

“May nawalang bagay na pinaghirapan naming for seventeen years, that’s why kailangan namin mag-come up ng bagong band,” sabi ni Lem Belaro, drummer ng Callalily na ngayo’y tatawagin nang “The Lily” kasunod ng pagkalas ni Kean.

Kasalukuyang naghahanap ng bagong bokalista ang "The Lily."

Ang Callalily na unang napakinggan noong 2006 ang nasa likod ng mga pop rock OPM hits na “Magbalik,” “Susundan,” bukod sa iba pa.