Pinaplano ngayon ng Bureau of Immigration (BI) na magkabit ng mas marami pang closed-circuit television (CCTV) camera sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang hindi na maulit ang kontrobersyal na "pastillas" scheme na kinasasangkutan ng mga opisyal at kawani ng ahensya.
Binigyang-diin ni BI spokesperson Dana Sandoval na simula nang pumutok ang usapin ay nagpatupad na sila ng mga pagbabago sa ahensya.
"Technologies din po ay in-improve po natin. One hundred percent na po ang secondary inspection areas are now covered with CCTVs pati po iyong transparent ready ang ginagamit po doon sa mga areas na iyon para kitang-kita po and highly visible ang mga activities po ng personnel," pahayag ni Sandoval.
"Sa atin pong procedures, nandiyan pa rin po iyong strict departure formalities following po iyong Department of Justice guidelines on implementing departure formalities," dagdag nito.
Binigyan na rin aniya ng supervisory powers ang ilang unit ng ahensya at inihalimbawa ang paglilipat ng control and intelligence unit sa Intelligence Division.
Magsisilbi aniyang "ikatlong mata" ng ahensya ang Intelligence Division na susubaybay sa galaw ng mga opisyal at kawani nito na nakatalaga sa airport.
"Well, nakita po natin na talaga namang there was a need to improve in checks and balances sa airport noon bilang supervision was under a single office," paliwanag pa ni Sandoval.
Matatandaang sinibak ng Office of the Ombudsman sa serbisyo ang 45 na opisyal at tauhan ng BI matapos mapatunayan ang pagkakasangkot sa "pastillas" scheme.
Kabilang sa modus operandi ng mga tiwaling opisyal at empleyado ng BI na papasukin sa bansa ang mga Chinese, kapalit ng kanilang bayad na P10,000 bawat isa. Ibinabalotng mga ito ang pera kagaya ng "pastillas."