Pinaalalahanan ni outgoing Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang publiko nitong Sabado, Hunyo 18, na hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin ang state of emergency health situation sa bansa kaya’t dapat pa ring manatiling maingat ang lahat upang hindi mahawaan ng COVID-19.

“'Di pa po nili-lift ni Pangulong Duterte ang ating state of emergency health situation,” ani Domagoso.

Ayon kay Domagoso, hindi dapat na maging pabaya ang mga mamamayan at sa halip ay patuloy na istriktong obserbahan ang umiiral na health protocols laban sa COVID-19.

Anang alkalde, patuloy pa ring tumataas ang mga aktibong kaso ng sakit, hindi lamang sa Maynila, kundi maging sa ibang panig ng bansa, bagamat mas mababa pa rin naman ito kumpara sa dati.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nabatid na ang Manila COVID-19 Field Hospital, na may bed capacity na 344 ay mayroong occupancy rate na 4% lamang, na nangangahulugan 14 lamang sa mga higaan ang okupado.

Ang anim na city-owned hospitals naman, ay may occupancy rate na 2% lamang.

Nangangahulugan ito na pito lamang sa kabuuang 353 hospital beds ang kasalukuyang okupado.

Tiniyak rin naman ni Domagoso na ang swab tests sa lungsod ay libre pa ring ipinagkakaloob sa sinumang nangangailangan nito, maging residente man sila ng Maynila o hindi.

Hanggang sa kasalukuyan, nasa kabuuang 209,595 indibidwal na ang nakapagpa-swab test sa lungsod.