Posible umanong sa Lunes, Hunyo 20, ay mailabas na ang guidelines para sa rollout ng COVID-19 booster shots para sa mga menor de edad na kabilang sa 12-17 age group.

Sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Myrna Cabotaje nitong Sabado na ang mga panuntunang inirekomenda ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ay naisumite na sa tanggapan ni Health Secretary Francisco Duque III para maaprubahan.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sa sandali aniyang maaprubahan, inaasahang mailalabas na ang guidelines sa Lunes at posibleng mapasimulan ang pagbabakuna sa Martes.

“We hope it will be out by Monday para maka-start na tayo mga Tuesday siguro kung ready na ‘yung mga ibang kailangan at saka ang ating implementers,” ani Cabotaje, sa panayam sa radyo at telebisyon.

Nilinaw ni Cabotaje na ang rollout ng booster vaccination para sa mga kabataan ay maaaring simulan muna sa mga immunocompromised, at isusunod naman ang natitirang iba pa sa mga susunod na araw.

Pagdating naman sa pagbabakuna para sa mga paslit na anim na buwang gulang pataas pa lamang, sinabi ni Cabotaje na pinag-aaralan pa ng HTAC kung angkop ito sa bansa.

Para naman sa second booster shot para sa adult population, wala pa aniyang sapat na ebidensiya kung kinakailangan ito ng general population.

Ani Cabotaje, sa ngayon ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) ay magbigay lang muna ng second COVID-19 booster shots para sa mga immunocompromised, health workers, at senior citizens.