Ipinag-utos ni Mayor Joy Belmonte sa mga opisyal ng 142 barangay ng Quezon City na mahigpit na bantayan ang pagsusuot ng facemask sa kanilang mga komunidad.
Hinikayat din ng alkalde na magpabakuna na ang mga hindi pa bakunadong residente ng lungsod upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng Covid-19.
“We cannot strictly enforce social distancing because we have just recently reopened our economies, so we are appealing to everyone to mask up and get vaccinated or boosted instead,” saad ni Belmonte sa mga barangay official sa isang pagpupulong nitong Biyernes.
Inatasan din ng alkalde ang Law and Order Cluster na binubuo ng Department of Public Order and Safety and the Task Force Disiplina na bantayan ang mahigpit na pagpapatupad ng “No Face Mask” ordinance.
Samantala, tiniyak naman ni Belmonte na sapat ang suplay ng Covid-19 vaccines para sa mga magpapabakuna at magpapa-booster.
Nananatiling nasa yellow status ang lungsod base sa ulat ni Dr. Rolando Cruz ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU).
Halos doble naman ang dami ng naitalang kaso mula Hunyo 8-14 sa bilang na 229 kumpara sa 146, isang linggo bago ang nabanggit na panahon.
Pare-pareho namang tumaas ang tatlo pang indicators ng Covid-19 situation ng lungsod: 1.10 percent na ang average daily attack rate, tumaas din sa 3.4 percent ang average positivity rate at inaasahang nasa 2.5 percent ang magiging Covid-19 reproduction rate ng lungsod.
“Our monitoring tells us that the rate of infection is not slowing down. We hope to bring the cases down again before we reach the red status where we can assume community transmission,” sabi ni Cruz.
Dagdag ni Cruz sa mga barangay at ilang katuwang na tanggapan ng lungsod, dapat na ring paigtingin ngayon pa lang ang ilang tugon na hakbang kagaya ng pag-iimbak ng Personak Protective Equipment (PPEs) at muling pagbubukas ng mga isolation facilities, bukod sa iba pa.