Iginiit ng Department of Agriculture (DA) ang desisyon nitong umangkat ng isda dahil umano sa kakulangan ng suplay nito.
Katwiran ni DA Assistant Secretary, spokesman Noel Reyes, ito lamang ang tanging paraan upang tumatag ang suplay nito sa bansa.
Tugon ito ni Reyes sa matinding pagtutol ng grupong Pambansang Lakas ng Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na nauna nang nagpahayag na nalulugi sila sa nasabing hakbang ng pamahalaan.
Binanggit ng Pamalakaya, dagdag na pahirap ito sa kanilang hanay, dagdag pa ang patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo sa bansa.
Depensa ni Reyes, aabot sa 90,000 metriko toneladang isda ang nakikita nilang kakulangan sa suplay nito ngayong 2022.
“We’re balancing, we are doing a balancing act kasi maliit ang ating fish catch sa ating karagatan. Sinasabi nila na maraming isda, yes, pero ganun pa rin ang kakulangan sa ating infrastructures,” ayon sa opisyal.
Nakadagdag din aniya sa kakapusan ng suplay nito ang closed fishing season na ipinatutupad sa Davao Gulf, Visayan Sea, Sulu Sea, at Northern Palawan mula ngayong buwan.
“I understand the market supply situation, why? Tumataas kasi kulang pa rin ang supply. Kapag marami ang supply lalo ‘pag summer, bababa ang presyo, pero lalo na ngayon," sabi pa nito.
PNA