Babalik na umano sa pagsisilbi bilang isang abogado si outgoing Vice President Leni Robredo matapos hindi palaring manalo bilang kandidato sa pagkapangulo ng Republika ng Pilipinas, ayon sa kaniyang pahayag noong Hunyo 12, 2022.

Bukod umano sa pagiging abogado, tututukan ni outgoing VP Leni ang kaniyang Angat Buhay NGO na pagpapatuloy ng kaniyang mga nasimulan bilang pangalawang pangulo ng bansa.

"Nine years lang naman ako nag-serve sa gobyerno pero all the years wala ako sa gobyerno, nasa pag-aabogado naman ako, at saka nasa advocacy, aniya.

"Ganoon pa rin ang gagawin ko, babalik ako sa pagiging abogado, tapos yung Angat Buhay aasikasuhin. Sa trabaho, ganoon pa rin naman siguro ako ka-busy… ako mismo makakabalik na ako sa pag-drive sa sarili ko," dagdag pa ni Robredo.

Natapos ni Robredo ang kaniyang basic education (elementarya at high school) sa Universidad de Sta. Isabel sa Naga. Natapos naman niya ang Bachelor of Arts in Economics sa University of the Philippines School of Economics sa UP Diliman noong 1986, at nagtuloy sa pag-aaral ng Law sa University of Nueva Caceres, at natapos noong 1992. Naipasa niya ang bar exams noong 1997.

Siya ay nagbigay ng serbisyo sa Public Attorney's Office o PAO. Mula 1998 hanggang 2008, naging coordinator si Robredo ng Sentro ng Alternatibong Lingap Panligan (SALIGAN), isang Naga-based alternative legal support group, na layuning hikayatin ang young legal professionals na pasukin ang leadership roles at magbigay ng legal services sa mga rural at marginalized communities.