Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na walang kinalaman ang kanilang departamento sa tangkang paggiba sa Manila COVID-19 Hospital (MCPH) sa Luneta.

Nabatid nitong Huwebes na ang paglilinaw ay ginawa ni DOH Regional Director Dr. Gloria Balboa nang iprisinta niya kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang “Chikiting Bakunation Certificate” sa isang simpleng seremonya na ginawa sa tanggapan ng alkalde sa Manila City Hall, na dinaluhan rin ni Dr. Ed Santos, hepe ng Manila Emergency Operations Center (MEOC).

Sa kanilang pag-uusap, sinabi ni Balboa kay Domagoso na sinabi sa kanya ni Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan ang kahilingan ng National Parks Development Committee (NPDC) na tanggalin na ang field hospital sa Quirino Grandstand sa Luneta.

Paglilinaw naman ni Balboa, wala silang alam sa isyu at hindi ito ikinuordineyt sa kanila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Sir, we're not aware of that po. Hindi ‘yan kinoordinate sa amin,” ani Balboa kay Domagoso.

Matatandaang mariing tinanggihan ng alkalde ang planong tanggalin ang nasabing ospital para pagbigyan lamang ang isang konsiyerto, na gagawin sa eksaktong lugar kung saan nakatirik ang ospital.

Sinabi rin ni Balboa na tutol ang DOH sa naturang kahilingan na tanggalin ang ospital dahil nangangamba pa sila sa kasalukuyang nagaganap na pagtaas ng naitatalang mga kaso ng COVID-19.

Nauna rito, lumiham ang NPDC sa City Hall para tanggalin na ang ospital at bigyang-daan ang isang konsyerto doon.

Hindi naman ito pinagbigyan ng alkalde dahil may mga COVID-19 patients pa na ginagamot dito.

Ayon kay Domagoso,maliban sa mayroon pang COVID patients na ginagamot sa MCFH, na dapat na mas bigyang-pansin kaysa sa concert, mayroon pa ring COVID at base sa guidelines na ipinalabas ngDOH, ay hinihikayat pa nga ang local government units na mag-operate ng kanilang mga ospital upang magsilbing kahandaan sa patuloy na umiiral na pandemya.

“Nawi-weirdohan lang ako bakit nila minamadali, may pandemya pa,” anang alkalde.

Sinabi pa ng alkalde na sa bagamat hindi maituturing na full hospital ang field hospital ay nagsisilbi ito bilang ospital kung saan ginagamot ang mga COVID patients ng libre.