Sinabi ni Senador Imee Marcos na hindi titira sa Malacañang ang kaniyang kapatid na si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

"Parang 'yung Malacañang hindi masyadong napag-uusapan kasi kung tutuusin galing na kami dun," aniya nitong Miyerkules, Hunyo 15.

"Noon bago pa ang eleksyon... bago pa manalo kapatid ko sinasabi niya 'di siya titira sa Malacañang. Sabi ko, tama naman kasi noong bata kami wala siyang ginawa kundi tumakas nang tumakas ng Palasyo," dagdag pa niya.

Para kay Sen. Marcos, ang importante ay maahon nila ang kanilang pangalan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"Ewan ko. Hindi pa napag-uusapan kasi 'yun nga, ang importante 'yung maahon namin ang pangalan namin, ang apelyido namin. 'Yung legacy ng tatay ko mabalikan at tingnan nang maigi, 'yan ang importante," anang senadora.

Matatandaan na pinatalsik sa puwesto si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. noong EDSA People Power Revolution taong 1986.

"'Yung Malacañang, ang yabang namin ha, pero sa totoo lang nanggaling na kami doon eh. Labis-labis na yung paninirahan namin doon," dagdag pa niya.

Samantala, inamin naman ng senadora na kinakabahan sila sa mga inaasahan ng mga taong bumoto kay BBM.

"There's no denying that the challenges are almost overwhelming but even worse because of the overwhelming mandate, the expectations are inordinate," aniya.

"Kumbaga walang himala. Kahit Marcos na 'yan, kahit buhay pa ang tatay ko noon na napakagaling at napakasipag, palagay ko mahihirapan talaga kaya kinakabahan kami sa inaasahan ng tao na parang kisapmata lang mawawala na ang taas presyo ng gasolina, mga mamahaling mga pagkain. It's very nerve-wracking to think of the expectations of 31 million within the first 100 days. Wala pong himala sabi nga ni Nora Aunor."

Isasagawa ang inaugurasyon ni President-elect Marcos sa National Museum sa Hunyo 30. Siya ang pangalawang Marcos na uupo bilang pangulo ng Pilipinas.