Ang pagsasaka ay kabilang sa pinakamahihirap na sektor sa bansa, sinabi ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Sinabi ni NAPC head lawyer Noel Felongco, sa panayam ng DWIZ 882 nitong Martes, Hunyo 14, na nag-ugat ito sa kawalan ng sariling lupa ng mga magsasaka.
“Mayroon tayong agrarian reform, nabibigyan sila ng titulo sa lupa ngunit kulang pa rin po ‘yung support services ng ating gobyerno,” dagdag niya.
“Iyong post-harvest facilities po kulang na kulang,” dagdag ni Felongco.
Ipinunto din niya na ang mga magsasaka ay madalas na nagiging madaling target ng mga loan shark dahil doon sila pumupunta tuwing kailangan nila ng pera o pondo para sa kanilang pagsasaka.
“Iyong agrikultura natin ngayon sa Pilipinas, lalo na yung rice farmers natin, ay kawawang-kawawa ‘yan dahil ‘yan yung negosyo na palugi,” saad ni Felongco na tumutukoy sa maliit na kita ng mga magsasaka sa panahon ng anihan na salungat sa mataas na gastos sa produksyon.
Dahil dito, ang mga magsasaka at mangingisda ay umaalis sa mga kanayunan upang subukan ang kanilang kapalaran sa mga lungsod, dagdag ni Felongco.
Luisa Cabato