Personal na nagtungo sa Senado nitong Martes, Hunyo 14, si Senator-elect Robin Padilla para sa briefing sa Senate Legislative Department bilang bahagi ng kaniyang paghahanda sa pagiging mambabatas sa Hunyo 30.

Puspusan ang paghahanda ni Padilla kaya't, aniya, mahalaga na maaral niya ang mga dapat niyang malaman sa Senado. Humiling siya ng personal briefing sa Senate Legislative Department batay sa rekomendasyon ng Development Academy of the Philippines (DAP) bago ang orientation ng mga Senador sa Hunyo 28.

"Lahat madali. Wala namang mahirap kasi gusto mong gawin eh. Pag gusto mong gawin, madali lang iyon. Medyo ano lang, naninibago lang ako kasi hindi naman ako…summa cum laude ako sa cutting classes noong araw. Iba na ngayon. Ako na ngayon naghahanap ng gagawin," aniya.

Matatandaan na hinihiling ni Padilla na hawakan ang Constitutional Amendments and Revision of Codes and on Social Justice, Welfare and Rural Development base na rin sa mga panayam nito sa telebisyon at radyo.

National

Disyembre 26, 2024 hindi idedeklara bilang holiday – Malacañang

Samantala, wala naman daw problema sa actor-turned-politician ang pakikipag-debate sa Senado basta, aniya, Tagalog ang kaniyang gagamitin.

“Una, hindi naman Amerikano iyong mga kaharap ko para mag-English ako. Siguro kung Amerikano, well, I'm willing to debate. Pero mga Tagalog sila e, e 'di Tagalog tayo," sabi ni Padilla.

Siniguro rin niya na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya para na rin maipakita sa mga bumoto sa kaniya na hindi sila nagkamali sa binoto. Matatandaan na nanguna siya sa pagka-senador noong nagdaang eleksyon.

“Sa mga bumoto sa akin at sa mga di bumoto. Ako'y nandito upang irepresenta po kayo. Iyan ang aking role. Iyan ang binigay niyo sa aking mandato. Kung anumang ginagawa ko rito, hindi para sa akin kundi para sa inyo," aniya.

"Kung gusto natin talaga na magkaroon ng tunay na pagbabago, mga mahal kong kababayan, yakapin na natin talaga ang charter change," dagdag pa niya.

Kamakailan, pinayuhan ni incoming Senate President Migz Zubiri si Padilla na dapat malaman nito ang mga legal terminologies dahil napaka-komplikado umano ng mga ito.

“So you have to know the legal terminologies. Hindi puwedeng i-simplify ang napaka-complicated na legal terminologies, particularly on revising laws and the Constitution. Lalo na kung ang ka-debate mo ay constitutionalist, mga dean of the law school of different colleges,” dagdag pa niya.

Gayunman, naniniwala pa rin si Zubiri na kakayanin ito ni Padilla.

Basahin:https://balita.net.ph/2022/06/02/migz-zubiri-pinayuhan-si-robin-padilla-mag-aral-nang-mabuti/