Pinasalamatan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor at Mayor-Elect Honey Lacuna, ang Filipino-Chinese Youth Business Association, Inc. (FCYBAI) dahil sa boluntaryong pagpapaganda, pagmantine at pagpreserba ng iconic Filipino-Chinese Friendship Arch sa Binondo, na tahanan ng pinakamalaking Chinatown sa buong mundo.
Ang Manila City Government, na kinatawan ni Domagoso, ay pumasok sa memorandum of understanding (MOU) sa naturang grupo, na kinatawan naman ni Peter Zhuang.
Ang naturang aktibidad ay sinaksihan ni Councilor Numero Lim, na pinuno ng Manila International Sister-City Association (MISCA) at may-akda ng Manila City Council Resolution na naging daan para sa nasabing MOU.
Matapos na makita ang panukalang renobasyon sa arko, nang walang gastos mula sa lungsod, sinabi ni Domagoso na mapalad si Lacuna dahil ang proyekto ay matatapos sa loob lamang ng ilang buwan, kung kailan, siya na ang alkalde.
Nag-courtesy visit din ang grupo kay Lacuna at ipinakita sa kanya ang magiging hitsura ng arko.
Na-impress naman si Lacuna sa arko at pinasalamatan din ang FCYBAI dahil sa pag-boluntaryong tumulong sa Maynila para sa isa na namang instagrammable spot.
Ayon naman kay Secretary to the Mayor Bernie Ang, na siyang unang kinausap ng FYCBAI para sa plano, ang arko ay donasyon mula kay Mr. Chan Chau To ng Shanghai, China at sa ilalim ng MOU, ang ibibigay lang ng city government ay ang kakailanganing manpower.
Nabatid na ang Filipino-Chinese Friendship Arch ay itinayo noong 2015.
“The bridge was built when our country’s relations with China was at its worst, as a way of showing that the friendship between the two countries remains steadfast and that mutual respect will always be there,” ani Ang.
Aniya pa, ang Filipino-Chinese Friendship Arch ay magsisilbing simbolo at testamento ng relasyon ng Pilipinas at China, na may 2,000 taon na ngayon.