Sa halip na itapon, tinipon at ni-repurpose ng lokal na pamahalaan ang mga election campaign materials na ginamit ng Team Performance political party sa Mandaluyong City at ginawang mga functional bags, aprons, emergency sleeping bags, at eco bricks.

Nabatid na ang ideya sa pag-recycle ng election campaign materials ay mula kay City Councilor Benjie Abalos, na siyang chairman ng Committee on Environment, bilang karagdagang livelihood project para sa mga residente ng lungsod.

Sa suporta ni Mayor Menchie Abalos, kaagad na sinimulan ng City Environmental Management Department (CEMD) ang pangongolekta ng election campaign materials sa buong lungsod matapos ang araw ng halalan.

Ayon kay Mandaluyong Manpower and Technical and Vocational Training Center Head Midge Tampinco, ang mga nakolektang materyales ay nilinis at inayos batay sa kondisyon ng mga ito.Ang mga maayos at malinis pa ay ginagamit sa paggawa ng main parts ng bag na gagawin ng mga bag maker.

“The materials are brought to us and then we train the individuals who will make the products using one pattern for each functional bag to make it uniform for all bag makers. The materials with average quality will be used in other parts of the bag and the very brittle ones and scraps will be grounded to be used for making eco bricks,” ani Tampinco.

Ipinaliwanag niya na ang functional bags ay maaaring anumang uri ng bag para sa pang-araw-araw na pangangailangan, gaya ng eco bags, lunch box bags, o shoulder bags.

Maaari aniyang gamitin ang printed side o ang likod o puting bahagi ng election campaign material sa paggawa ng mga ito.

Sa kasalukuyan, mayroong anim na indibidwal ang sumailalim sa pagsasanay at regular na gumagawa ng mga functional bags at aprons.

Upang makagawa naman ng mga produkto, ginagamit ng mga bag makers ang mga sewing machines na available sa kani-kanilang barangay habang si Councilor Abalos naman ang nagsusuplay ng mga karayom at sinulid na gagamitin nila.

Ani Tampinco, wala ni isang sentimong gagastusin ang mga bag maker sa paggawa ng bag dahil ipinagkakaloob na sa kanila ang mga materyales at gamit na kanilang kakailanganin.

Nabatid na ang isang standard eco bag na may sukat na 24" x 20" at apron ay ipinagbibili ng P50 bawat isa.Ang P35 nito ay mapupunta sa bag maker habang ang P15 naman ay mapupunta sa barangay.

Ang mga malalaking bag naman at lunch box bags ay nagkakahalaga ng P100 o higit pa.

Ayon kay Councilor Abalos, layunin ng programa na sa sandaling kaya na ng mga bag makers na mag-mass produce ng functional bags, magsisimula na silang magsuplay ng mga plain white colored bags sa mga malalaking supermarkets at souvenir shops na matatagpuan sa lungsod.

“We aim to provide finished functional bags in plain white so that buyers can personalize it by painting on it the design that they want,” aniya.

Samantala, sinabi ni Tampinco na ang mga bag makers ay sinanay din nilaupang gumawa ng mga emergency sleeping bags, na ipagkakaloob sa mga biktima ng sunog sa lungsod.