Iginiit ng embahada ng China na ang West Philippine Sea (WPS) ay "traditional fishing ground' ng mga mangingisdang Chinese.

Tugon ito ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa paghahain ng diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China kaugnay ng namataang mga Chinese vessel sa Julian Felipe Reef noong Abril 4, 2022. Ang Julian Felipe Reef ay bahagi ng WPS na teritoryo ng Pilipinas.

Ayon kay Xilian, magkakasalungat ang pahayag ng DFA at Chinese government sa nasabing usapin.

Gayunman, ipinaliwanag ng ambassador na maliit na bahagi lamang ito sa magandang samahan ng China at Pilipinas.

Hindi pa nagbibigay ng reaksyon ang Chinese Embassy sa pinakahuling isinampang diplomatic protest ng DFA na may kaugnayan naman sa maritime activities ng China sa nasasaklawang 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.

Mahigit na sa 300 reklamo ang iniharap ng DFA laban sa Beijing kaugnay ng iligal na pananatili ng mga barko ng China sa WPS na bahagi ng South China Sea na inaangkin ng Pilipinas.