Tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade sa sambayanang Pilipino na tatapusin ang Metro Manila Subway Project (MMSP) kahit matapos pa ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.

Nitong Araw ng Kalayaan, Hunyo 12, 2022, naganap ang makasaysayang lowering ng kauna-unahang Tunnel Boring Machine (TBM) tanda nang pagsisimula ng underground construction.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon kay Tugade, magpapatuloy ang konstruksyon ng subway kahit na matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Itong proyektong ito ay tinatawag na flagship, itong proyektong ito ay tinatawag na 'Project of the Century’. Itong proyektong ito ay pinapakita sa sambayanan na totoo, tunay, nauumpisahan at tatapusin. Ito 'yung regalo ng administrasyong Duterte sa sambayanan, sa mga Pilipino at sa bayan, on the occasion of the Philippine Independence Day today,” saad ni Tugade.

Binanggit din ng transportation chief na mayroon nang sapat na pondo ang proyekto.

"Una, 'yong pondo sa proyektong ito, 'yung pondong kailangan ay nandiyan na. Nandiyan po 'yung fund arrangement at loan support ng government of Japan sa tulong ng JICA," aniya.

"Pangalawang kadahilanan, 'yung mga kontrata na kaakibat para mabuo itong MMSP kung hindi tapos ay inuumpisahan na. Kung hindi tapos at inuumpisahan na, kinokontrata na. Ang ibig sabihin nakakasa na ‘ho ‘yan kaya dapat magpasalamat tayo sa mga kontraktor at operator. Ang ikatlong kadahilanan ay ‘yung right-of-way. Dito sa proyektong ito, mahigit 90% tapos na ang right of way," dagdag pa niya.

Samantala, dumalo sa kaganapan si Pangulong Rodrigo Duterte. Ipinaabot niya ang kaniyang pasasalamat kay Tugade at sa mga project partners na naging katuwang nila sa proyektong ito na makatutulong sa mga commuters.

“I congratulate the Department of Transportation (DOTr), of course, Secretary Tugade, and his partners, for achieving significant progress for the Metro Manila Subway,” sabi ni Duterte.

Binati rin ni Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko sina Duterte at Tugade sa kanilang dedikasyon.

“I’d like to express my sincere appreciation to President Duterte, Secretary Tugade, other DOTr officials, and contractors, for the exemplary dedication and tireless efforts to make this subway a reality. We are more than honored to be part of the Philippine government in its bid to provide more comfortable and convenient life to Filipinos, through infrastructure development,” aniya.

Photo courtesy: Department of Transportation - Philippines/FB

Tinaguriang “Project of the Century,” ang MMSP, na kauna-unahang underground mass transit system sa Pilipinas, ay isang modern railway system na maihahambing sa iba pang panig ng mundo.

Ang subway ay isang 33-kilometrong rail line na bibiyahe mula sa Valenzuela City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.

Sa tulong nito, iikli ang travel time o oras ng biyahe mula Quezon City hanggang NAIA ng hanggang 35 minuto na lamang, mula sa kasalukuyang isang oras at 10 minuto.

Sa sandaling maging operational, kaya ng train line na mag-accommodate ng hanggang 370,000 pasahero kada araw sa unang taon ng operasyon nito.