Nanindigan si convicted drug dealer Herbert Colangco na hindi nito babawiin ang kanyang testimonya laban kay outgoing Senator Leila de Lima kaugnay sa umano'y pagkakasangkot ng huli sa operasyon ng iligal na droga sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) noong kalihim pa ito ng Department of Justice (DOJ).

Sa pahayag nito sa mga mamamahayag matapos ang pagdinig sa iniharap na petisyon ni De Lima para makapagpiyansa, iginiit ni Colangco na itutuloy pa rin nito ang pagtetestigo laban sa senador.

"Kahit sino pang Poncio Pilatong nandiyan, hindi pwede. Bakit mag-recant po ako? Ito ang katotohanan. Hawak ko. 'Di ko ipagpalit sa kasinungalingan," pagbibigay-diin nito.

Inihayag din ni Colangco, isang grupo umano ang "gumagapang" sa mga testigo upang humina ang kaso laban sa senador.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Nakatakda aniya nitong ibunyag ang mga bagay na tungkol kay De Lima at ito ay suportado umano ng ebidensya. Si De Lima ay nakakulong pa rin sa Philippine National Police-Custodial Center mula nang maaresto noong Pebrero 24, 2017 kaugnay ng naturang kaso.

Matatandaanginaresto naman si Colangco sa isang checkpoint sa Barangay Tominobo, Iligan City noong Enero 2009 dahil sa pagiging lider ng notorious robbery group na sangkot sa ilang panghoholdap, kabilang ang robbery incident sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) sa Cabuyao, Laguna noong 2008 na ikinasawi ng 10 indibidwal.

Noong Oktubre 2014, napatunayan ngParañaque Regional Trial Court na nagkasala ito sa nasabing kaso at nahatulan ng life imprisonment o habambuhay na pagkakabilanggo.

Si Colangco ay isa sa drug lord na ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-o-operate sa loob ng NBP. Dahil dito, isinailalim sa imbestigasyon si Colangco at idiniinsi De Lima na noo'y kalihim pa ng DOJ (2010-2015), na sangkot umano sa paglaganap ng iligal na droga sa Bilibid.