Habang nabibilang na lang ang mga araw ng kanyang anim na taong termino, ibinunyag ni Pangulong Duterte na hinimok niya ang kanyang anak na si Vice President-elect Sara Duterte, na tiyaking hindi papasok sa mga paaralan ang ilegal na droga.

Sinabi ito ni Duterte matapos tanggapin ng Vice-President-elect ang alok na pamunuan ang Department of Education (DepEd) sa ilalim ng administrasyon ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa kanyang talumpati sa Valenzuela City noong Linggo, sinabi ng Pangulo na nais niyang ang kanyang anak na babae ang pumalit sa responsibilidad sa paglaban sa iligal na droga sa bansa, partikular na ang pagpapatuloy ng mga programa laban sa ilegal na droga sa mga paaralan.

“But this time, kung wala na ako, sabihin ko na lang kay Inday, ‘Take over. Ikaw na ang… Kunin mo ‘yang trabahong…’” aniya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Umapela si Duterte sa kanyang anak na huwag hayaang malantad ang mga estudyante sa ilegal na droga.

“Biro mo ‘yang Department of Education, maraming bata diyan. Do not ever allow contamination diyan sa ano,” anang Pangulo.

“Gumamit ka ng — if you have to do it, do it. Me, I had to do it because nobody would do it for us,” dagdag niya.

Sa kanyang talumpati, muling iginiit ni Pangulong Duterte ang kanyang babala tungkol sa mga panganib na dulot ng illegal narcotics at kung paano nito masisira ang bansa.

Umapela din siya sa pulisya at militar na panatilihin ang momentum sa paglaban ng gobyerno laban sa iligal na droga, na tinitiyak na poprotektahan niya ang mga alagad ng batas na kakasuhan sa pagpatay sa mga drug suspect habang nasa tungkulin.

“As long as it is done in the performance of your duty and you run afoul, or may namatay at maingay, ako sabihin ko, I am the one who will assume the full accountability and all,”sabi ni Duterte.

Argyll Cyrus Geducos