Inihayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Lunes na may posibilidad pa ring maisailalim ang Metro Manila sa Alert Level 2 sa COVID-19.

Ito'y matapos na makapagtala ang pamahalaan sa bansa ng 308 bagong kaso ng COVID-19 noong Linggo, Hunyo 12, na pinakamataas na naitalang bagong kaso ng sakit simula noong Abril 20.

Nabatid na sa naturang mga kaso, 153 ang mula sa Metro Manila.

Ayon kay Vergeire, kung ang mga bagong kaso ng sakit ay magresulta sa significant uptick sa hospital admissions, ay maaaring magpasya ang mga otoridad na muling magpairal ng mas istriktong quarantine restrictions.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“The possibility would always be there, 'pag nagtuloy-tuloy po ang mga kaso pero ang kailangan pong maintindihan ng ating mga kababayan, we are learning to live with the virus. Alam po natin hindi ho aalis ang virus na ito, it will stay with us so eto pong mga sakit na nagkakaroon ng mild at asymptomatic, it should be acceptable po to the population,” aniya pa.

“Ang pinakaimportante, hindi pa natin nakikitang tumataas ang severe and critical na mga kaso, at hindi pa rin po nagkakaroon ng problema sa ating mga ospital,” dagdag pa ni Vergeire.

“Kung magtutuloy-tuloy po ang mga kaso siyempre makakakita tayo rin ng patuloy na pagtaas at baka yung admissions natin sa ospital ay tumaas, and therefore ‘pag ganyan ang nangyari, magshi-shift tayo and mag-e-escalate sa Alert Level 2 natin,” paliwanag pa niya.

Matatandaang ang Metro Manila ay ibinaba sa Alert Level 1 simula noong Marso matapos na unti-unti nang bumaba ang bagong kaso ng  COVID-19.