Nagpahiwatig ng hindi magandang kahihinatnan kung patuloy siyang tatanggi na sumuko si Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr., PNP officer-in-charge, sa rehistradong may-ari ng sports utility vehicle (SUV) na nasangkot sa viral hit-and-run incident sa Madaluyong City dalawang linggo na ang nakalilipas.
“I’m warning you Mr. San Vicente, kung marunong kang umintindi sa sinasabi ko, sana huwag umabot sa puntong maging Santo Vicente ka,” mabigat na direktiba ni Danao.
Ibinunyag ni Danao, sa press briefing sa Camp Crame nitong Lunes, Hunyo 13, na ang may-ari ng puting Toyota RAV4 (plate number NCO 3781), na kinilala ng Mandaluyong City Police na si Jose Antonio San Vicente, ay may dating record sa reckless driving a Land Transportation Office (LTO).
“This is not the first time that he has a case of reckless imprudence so mayroon na ito [prior case] according to LTO,” aniya.
Gayunpaman, hindi na makapaglahad ng karagdagang detalye si Danao sa nakaraang kaso ni San Vicente.
Ikinatwiran umano ng mga abogado ng pamilya San Vicente na hindi si Jose Antonio ang may-ari ng SUV kundi ang kanyang ama, na hindi pa natutukoy ng mga awtoridad.
Sinabi ng mga abogado na si Jose Antonio lamang ang nagmamaneho ng sasakyan nang mangyari ang insidente noong Hunyo 5, at pinili ng suspek na huwag magpakilala dahil sa takot sa “public humiliation.”
Binatikos ni Danao ang umano'y katwiran ng pamilya San Vicente habang iginiit nito na dapat mag-"man-up" ang suspek at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Inakusahan pa niya ang suspek na drug suspect dahil sa hindi nito pakikipagtulungan sa mga awtoridad.
“Regardless if it’s the father or the son, nakabangga ka ng tao at imbes na hintuan mo lalo mo pang sinagasaan. Anong klaseng utak ‘yan?” ani Danao.
“[The] natural courses of a decent man who is in his right senses [is to] definitely surrender immediately. Bakit ‘di sumurrender? Ikaw ay china-challenge ko, Mr. San Vicente. Ayaw mo sumurrender tama? Isa lang ang sasabihin ko sayo, baka adik ka,” dagdag niya.
“Baka gumagamit ka kaya ayaw mo sumurrender? Remember, the PNP already filed the cases against you. You take note, kapag lumabas warrant mo, hintayin mo lumabas warrant mo. I’m giving you a fair warning habang maaga,” pagpapatuloy ng PNP OIC.
Sinabi ni Mandaluyong City Police chief, Police Col. Gauvin Unos na nagsampa sila ng mga kaso ng frustrated murder at pag-abandona sa sariling biktima laban kay San Vicente dahil sa pagbangga at pag-iwan ng security guard na si Christian Floralde.
Basahin: asahin: PNP, hinihintay ang arrest warrant para hantingin ang drayber sa viral Mandaluyong hit-and-run – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid
Ang mga reklamo ay isinampa sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office noong Hunyo 6.
Hinimok din ni Danao ang LTO na bawiin ang lisensya ng San Vicente, at sinabing dapat ay nasuspinde ito sa unang pagkakataon na nagkaroon siya ng reckless driving case.
“Driver’s license is only a privilege, it is not our right. Kahit ako, if you abuse it dapat i-revoke. Are we going to wait na kayo ang babanggain ng taong ito?” sabi ni Danao.
Martin Sadongdong