Hinamon ni acting Philippine National Police (PNP) chief, Lt. Gen. Vicente Danao, Jr. ang driver ng sports utility vehicle (SUV) na sumagasa sa isang guwardiya sa Mandaluyong kamakailan na sumuko na sa mga awtoridad.
"Tsina-challenge kita, Mr. San Vicente. Ayaw mo sumurrender, tama? Isa lang sasabihin ko sa 'yo: Baka adik ka. Bakit ayaw mo sumurrender?" sabi ng heneral sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes.
Aniya, hinihintay na lamang nila ang warrant of arrest na ilalabas ng hukuman sa kasong frustrated murder at abandonment of one's victim na isinampa laban kay Jose Antonio San Vicente, ang nakarehistrong may-ari ng RAV4 na may plakang NCO-3781.
"Because no person in his right senses will do that. Nakabangga ka na nga ng tao, imbes na tulungan mo, lalo mo pang sinagasaan. Anong klaseng utak 'yan? Baka gumagamit ka [ng droga] kaya ayaw mo sumurrender. Remember, the PNP already filed a case against you," sabi nito.
Ang patuloy aniya na pagmamatigas ni San Vicente na hindi susuko ay nangangahulugan o sign of guilt nito.
"The possibility is guilty ka. Bakit ayaw mong sumurrender? Hindi ba? Unang-una, identified na nga ang may-ari. Kung hindi ikaw gumagamit ng sasakyan sa panahon na ‘yan, eh ‘di dapat you have to defend yourself,” sabi pa ni Danao.
Matatandaang sinagasaan ng nasabing SUV ang security guard na si Christian Joseph Floralde habang nagmamando sa daloy ng trapiko sa panulukan ng Julia Vargas Avenue at St. Francis Street noong Hunyo 5.