Ang ika-124 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ay may temang “Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas,” ngunit ano nga ba ang kahulugan ng ating kalayaan sa gitna ng isang mapaghamong panahon ng muling pagbangon mula sa isang matinding krisis?

Umaasa tayo na nakalipas na ang pinakamatinding hagupit ng pandemyang idinulot ng COVID-19, kaya kahit paano ay nakakahinga tayo nang maluwag. Ngunit nagsisimula pa lamang ang mahaba at mahirap na paglalakbay sa pag-angat mula sa mga epekto ng pandemya. Ito ay panahon para magkaisa sa pagsulong ng Pilipinas tungo sa isang malakas at mas matatag na bansa. Kung paanong ang ating mga ninuno ay kinailangang lampasan ang maraming hadlang upang makamit natin ang kalayaan 124 na taon na ang nakararaan, tayo rin ay dapat manaig sa mga balakid na humahadlang sa ating pag-unlad bilang isang bansa.

Ang programa ng imprastraktura ng gobyerno ay isa sa mga mahahalagang haligi ng ating muling pagbangon. Magbibigay ito ng maraming trabaho at oportunidad sa kabuhayan. Kapag mas marami ang may trabaho, mas maraming tao ang may kakayahang bumili kaya mapapalakas ang domestic consumption.

Sa pagitan ng 2016-2020, ang “Build, Build, Build” ay nakapagbigay ng trabaho sa 6.5 milyong Pilipino. Maging noong panahon ng pandemya, ang mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nagbigay ng higit sa 1.482 milyong trabaho sa mga Pilipino sa buong bansa para sa panahon ng Marso 2020 hanggang Agosto 2021.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, 31,977 kilometro ng mga kalsada ang natapos, gayundin ang 6,333 tulay, 484 commercial, social, at tourism ports, at 233 airport projects, at iba pa.

Ang mga proyektong ito sa ilalim ng “Build, Build, Build” ay tutulong sa pagbangon ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagdudugtong ng mga komunidad at pagpapadali sa paglalakbay, pagpapababa ng mga gastos sa produksyon, at paghikayat sa mga pamumuhunan sa kanayunan.

Ngunit marahil ang isa sa pinakamahalaga at pangmatagalang epekto ng “Build, Build, Build” sa ating bansa ay ang papel nito sa pagkakaisa at pagbibigay-kapangyarihan sa mga Pilipino.

Ang mga kalsada, tulay, paliparan, at daungan na itinayo sa nakalipas na anim na taon ay nag-uugnay sa mga komunidad at isla, na nagbibigay daan hindi lamang para sa mas magagandang pagkakataon kundi pati na rin sa mas matibay na samahan at mas malalapit na komunidad.

Ang mga proyektong imprastraktura na ito, kabilang ang mga paaralan at mga pasilidad sa pangangalagang pangkalusugan, ay nakatutulong na bigyang kapangyarihan ang mga Pilipino habang sila ay nagkakaroon ng mas mahusay na access sa mga pangunahing pangangailangan at serbisyong panlipunan. Sa pamamagitan ng mga flood mitigation structures, mga evacuation center, mga bike lane ay mas nakararamdam ng kaligtasan ang ating mga komunidad. Mas maraming pagkakataon sa pag-unlad dahil ang mga aktibidad na pang-ekonomiya ay lalaganap mula sa mga urban center patungo sa kanayunan.

Ang papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ay nangangako na ituloy ang “Build, Build, Build” infrastructure program, dahil hindi lamang nito mapapabilis ang ekonomiya kundi magkakaloob din ito ng mga trabaho. Kabilang sa mga big ticket projects na ipagpapatuloy nito ay ang 32.47-kilometrong Panay-Guimaras-Negros Bridge, na mag-uugnay sa lahat ng anim na lalawigan ng Kanlurang Visayas sa pamamagitan ng pag-uugnay sa Isla ng Panay (kung saan naroon ang mga lalawigan ng Aklan, Antique, Capiz, at Iloilo. matatagpuan), sa Guimaras, at sa Negros Occidental.

Sa gitna ng mapanghamong panahon, ang “Build, Build, Build” ay nagbigay sa atin ng pag-asa na kaya ng gobyerno na mabalanse ang mga prayoridad nito at maibigay sa mamamayang Pilipino ang matagal nang kailangan na mga programang pang-imprastraktura—mga proyekto na hindi lamang nagdulot ng panibagong pag-asa para sa malawakang pag-unlad, ngunit nagdulot ng aktwal na pagbabago sa buhay ng mga Pilipino, lalo na ang mga nasa kanayunan, kabilang ang mga nasa liblib at malalayong lugar.

Sa pag-uugnay natin sa mga isla, bayan, at pamayanan sa pamamagitan ng “Build, Build, Build,” napagtanto natin na hindi ang ating magkakaibang kultura ang humahadlang sa ganap na pagtutulungan at pagkakaisa. Dahil sa kakulangan sa pisikal na imprastraktura, tila ba may pader na humahadlang sa pag-uugnay ng ating mga komunidad. Nasimulan na ng “Build, Build, Build” na sirain ang mga pader na ito. Kailangan lamang natin itong ipagpatuloy upang tuluyang mapagkaisa ang ating mga mamamayan at mas mapalakas ang bawat Pilipino na handang maging bahagi ng patuloy na pagbuo at pagpapaunlad ng ating bansa.