Pansamantalang itinigil ang operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos umanong mahulog sa riles nito ang dalawang indibidwal mula sa Taft Avenue flyover nitong Linggo ng gabi.
Sa pahayag ng train operator, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang naiulat na nakahandusay sa pagitan ng Taft at Magallanes Stations kaya agad na itinigil ang operasyon nito dakong 6:37 ng gabi.
“Train operations were halted as security personnels and medical professionals responded at the area of incident. No breakdowns on MRT-3 system have been reported,” ayon sa pahayag ng pamunuan ng MRT-3.
Kaagad na nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng scene of the Crime Operatives (SOCO) ng pulisya upang mag-imbestiga.
Dakong 7:26 ng gabi nang bumalik sa operasyon ng tren, ayon pa sa pamunuan ng MRT-3.
Bumibiyahe ang MRT-3 mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay City.