Muling nag-alburoto ang Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon nitong Linggo ng umaga, Hunyo 12, kung saan napilitan ang 103 pamilya na binubuo ng 438 indibidwal na lumikas sa kanilang mga tahanan.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang mga insidente ng ashfall ay naitala sa tatlong munisipalidad ng Juban, Casiguran, at Irosin matapos ang pinakahuling phreatic eruption ng Bulusan Volcano kaninang 3:37 a.m.
Ang pagsabog ay tumagal ng 18 minuto.
“We are coordinating with our regional counterparts. There is an ongoing evacuation right now and we received a report that 103 families / 438 [persons] were evacuated in Juban alone,” anang NDRRMC.
Sinabi ni Arian Aguallo, public information officer ng Juban municipal DRRM office, na ang pinakahuling pagsabog ay nagbuga ng mas maraming abo kumpara noong Hunyo 5 phreatic eruption.
“Medyo scattered po ang bagsak ng ashfall so hindi lang concentrated sa ilang barangay. Halos buong munisipyo po may traces of ashfall, at may selected barangays na heavily affected,” ani Aguallo sa isang panayam sa radyo.
Mayroong hindi bababa sa walong mga apektadong barangay sa Juban na mga Brgy. Anog, Puting Sapa, Bacolod, Buraburan, Catanusan, Calateo, Aroroy, at Rangas.
Ang mga tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection ay bumalik sa Juban ilang araw matapos itong malinisan ng abo upang linisin muli ang lugar.
“Nakadeploy na ang ating mga tropa para sa clearing operations,” sabi ni Aguallo.
Pinaalalahanan niya ang mga motoristang dumadaan sa Juban na mag-ingat dahil nakatakip ang makapal na abo sa mga kalsada at mga pangunahing lansangan.
Martin Sadongdong