Inihayag ni Southern Police District Director Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang pagkakaaresto ng dalawang drug suspect matapos nakumpiskahan ng ₱3,400,000 na halaga ng pinaghihinalaang shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Taguig City at Parañaque City nitong Sabado at Linggo, Hunyo 12.
Ang dalawa ay kinilala ng pulisya na sina Alonto Aminola Kasim, alyas “Alonto”, 27, taga-Taguig, at Edrian Geronimo Chacon, alyas "Kaka" at taga-Parañaque City.
Sa police report, inaresto si Kasim sa unang operasyon sa Road 14, Maguindanao St., Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City dakong 6:30 ng gabi. Nasamsam sa kanya ang 430 gramo ng umano'y shabu na aabot sa ₱2,924,000, sling bag at marked money.
Nakumpiska naman kay Chacon ang 70 ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng ₱476,000 nang magsagawa ng anti-drug-operation ang pulisya sa Angelina Canaynay Ave., Brgy. San Isidro, Parañaque City dakong 3:30 ng madaling araw.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Kasim at Chacon na nasa kustodiya pa rin ng pulisya.