Pinaalalahanan ng isang obispo ng Simbahang Katolika ang mga mamamayan na isabuhay ng may pananagutan, ang kalayaan ng Pilipinas na ipagdiriwang sa bansa bukas, Linggo, Hunyo 12.
Ayon kay San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, mula sa biyaya ng Panginoon ang kalayaang tinatamasa ng bayan sa ngayon kaya’t dapat aniya itong isabuhay ng may pananagutan at kaakibat na tungkulin.
Paliwanag pa ni Famadico, tulad ng pagiging masigasig ng mamamayan sa pagpili ng mga bagong opisyal ng bayan sa nakalipas na halalan ay dapat ring maging mapagbantay ang lahat sa pagtiyak ng pananatili ng kapayapaan, kaunlaran at katiwasayan ng pamayanan.
“Maraming Salamat sa Diyos sa kaloob na kalayaan sa ating bansa. Dapat natin itong isabuhay nang may pananagutan. Kung paanong ang bawat botante ay may parte sa pagpili ng ating mga pinuno, ang bawat mamamayan ay may parte rin upang maging mapayapa, maunlad at matiwasay ang lugar na doon siya nakatira,” mensahe pa ni Famadico sa church-run Radio Veritas nitong Sabado.
Nabatid na ang tema ng Araw ng Kalayaan ngayong taon ay “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas na naglalayong bigyang diin ang sama-samang pag-ahon ng bawat Pilipino mula sa iba’t ibang hamong kinaharap ng bansa noong mga nakalipas na taon kabilang na ang malawakang krisis na dulot ng pandemya.”