Isa ang manunulat at naging nominee ng Kapamilya ng Manggagawang Pilipino partylist na si Jerry B. Grácio sa mga naging masaya sa pagkakahirang kay Superstar Nora Aunor bilang National Artist for For Film and Broadcast Arts, kahanay ang premyadong manunulat na si Ricardo "Ricky" Lee at batikang direktor na si Marilou Diaz Abaya.

Kagaya ng iba pang mga Noranian, matagal na ring inaasam-asam ni Grácio na maging Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula si Ate Guy, na hindi na mabilang ang mga pelikulang naiambag sa sining at kulturang Pilipino. Matagal na panahon nang naging nominado ang premyadong aktres sa kategoryang ito.

"ALAM NAMAN NG LAHAT na Noranian ako," pahayag ni Grácio sa kaniyang tweet nitong Biyernes, Hunyo 10.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

https://twitter.com/JerryGracio/status/1535257446662299648

"Ilang araw akong hindi natulog para tapusin ‘yung script ng 'Kontrabida' for Ate Guy. Siyempre, masakit sa akin na magkaiba ang aming mga paniniwalang politikal dahil jusko, iniyakan ko ang 'Minsa’y Isang Gamugamo' at 'Andrea: Paano Ba Ang Maging Isang Ina'. Siguro, katulad ng lahat ng Noranian, matagal na naming napaghiwalay si Nora Aunor kay Nora Cabaltera Villamayor, kahit mahirap, kahit hindi dapat."

Isang certified Kakampink si Grácio habang si Ate Guy naman ay buo ang suporta kina outgoing President Rodrigo Duterte at incoming President-elect Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr.

"Ilang beses akong nakipagdebate at halos makipag-away noong ilang beses siyang inisnab para sa National Artist Award. Pero hindi bulag ang paghangang ito kay Nora bilang artista, malay sa mga pagkakamali at kahinaan ni Nora bilang tao."

"So, oo, masaya ako na National Artist for Film na si Nora Aunor. Pero mas lalo akong sasaya kung muli niyang babalikan ang bahagi ng kanyang pagkatao bilang Andrea, bilang Corazon; 'yung Nora na tumindig sa EDSA, tumindig laban kay Erap; o kahit na bilang Elsa na magsasabi sa atin sa kasalukuyan na hindi magiging 20 pesos ang kilo ng bigas dahil walang himala. Wala," ayon sa award-winning na manunulat.

Ang iba pang National Artists ay sina Agnes Locsin ay para sa Dance, Salvacion Lim-Higgins para sa Design (Fashion), Gemino Abad para sa Panitikan, Fides Cuyugan-Asensio para sa Music, at Antonio “Tony” Mabesa para sa Theater.

Ayon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP), opisyal na ipoproklama ang walo sa bisa ng Proclamation no. 1390. Ang pagiging National Artist ay isang prestihiyoso at pinakamataas na parangal na maaaring matamo ng isang Pilipino, na may malaking kontribusyon sa pag-unlad at paglinang ng sining at kulturang Pilipino.

Nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat si Nora kay Pangulong Duterte at sa mga taong nasa likod ng prestihiyosong parangal na ito.

“Wala pa akong maisip na sasabihin ko sa ngayon dahil sa labis na kasiyahan sa aking puso at para po sa ating lahat.

“Sa mga taong nanalangin po at nakipaglaban hanggang sa huli para maibigay sa akin ang kanilang pinangarap na ako’y mahirang na isang National Artist for Film.

“Higit po sa lahat, walang katapusang pasasalamat sa ating Panginoon, sa MAMA at PAPA ko, sa aking pamilya at mga anak, lalo na sa mga pinakamamahal kong mga fans at mga taong nasa tabi ko sa oras na kailangan ko sila mula noon hanggang ngayon.

“Maraming salamat po sa ating mahal na Pangulo na si President Rodrigo Duterte at mga taong nasa likod ng napakataas na karangalang ito," aniya.