Magandang balita para sa mga train commuters!

Magkakaloob ng libreng sakay ang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) ngayong Linggo, Hunyo 12.

Ayon sa paabiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) at Light Rail Transit Authority (LRTA), ang libreng sakay ay bilang pakikiisa nila sa pagdiriwang ng bansa sa ika-124 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Nabatid na maaaring i-avail ang libreng sakay mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Libreng sakay para sa LRT-1 passengers sa darating na Araw ng Kalayaan (June 12, 2022) mula 7am- 9am at 5pm-7pm,” anang LRMC.

“MAGANDANG BALITA: Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa ika-12 ng Hunyo 2022 (Linggo), magbibigay ng libreng sakay ang LRT-2 para sa lahat ng pasahero nito,” anunsiyo naman ng LRTA.

Mahigpit naman ang paalala ng LRMC at LRTA sa mga pasahero na sundin pa rin ang health at safety protocols kontra COVID-19 gaya ng pagsusuot ng face mask sa kanilang pagsakay sa mga tren.

Ang LRT-1 ang siyang nagdudugtong sa Roosevelt, Quezon City at Baclaran sa Parañaque City habang ang LRT-2 naman ay bumabagtas mula Recto sa Maynila hanggang sa Antipolo City.

Samantala, patuloy pa rin ang libreng sakay sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) hanggang sa Hunyo 30, 2022. 

Ang MRT-3 ay bumabaybay sa EDSA mula North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue, Pasay City.