Tila sumaling daw sa puso ng maraming mga netizen at avid viewers ng "FPJ's Ang Probinsyano" ang binitiwang linya ng karakter ni Kapamilya actress Shaina Magdayao, sa isa sa makabagbag-damdaming eksena nito kasama ang iba pang cast members gaya ni Angel Aquino.
Intensed ang mga pangyayari noong Hunyo 7 kung saan naka-engkuwentro ng Task Force Agila, ang samahan nina Cardo Dalisay (Coco Martin), ang kanilang mga kaaway. Sa kasamaang-palad ay naiwanan nila ang duguang si Cardo at agad na kinuha ng kaniyang mga kaaway upang paghigantihan at pahirapan.
Sa episode naman noong Hunyo 8 ay tila nawawalan na ng loob at pag-asa ang Task Force Agila matapos mapilayan sa pagkakaiwan kay Cardo at mapasakamay ito ng kanilang mga kaaway.
Ang karakter ni Angel Aquino na si General Diana Olegario ang nangumbinsi sa lahat na huwag panghinaan ng loob at ipagpatuloy ang kanilang pinaglalaban.
"Akala ko ba mga Agila kayo? Nawala lang si Cardo, nalimutan n'yo nang lumipad. Ayaw n'yo nang makipaglaban, ngayon pa ba?” litanya ng karakter ni Angel.
“Hindi n'yo ba narinig ‘yung sinabi ni Cardo kay General Borja, huwag nating itigil ang laban na ‘to, ipagpatuloy natin. Hindi ito ang panahon para panghinaan tayo ng loob. Tayo na lang ang lumalaban para sa bansang ito. Tayo na lang,” dagdag pa.
Bumoses at napa-react naman ang karakter na ginagampanan ni Shaina Magdayao na si Roxanne Opeña na naging emosyunal sa mga nangyari.
“Pasensiya na, general! Pero ang tagal na nating ipinaglalaban kung ano’ng pinaniniwalaan natin, pero pilit tayong isinusuka ng bansang ‘to!”
“Pagod na pagod na akong makipaglaban. Gusto ko na lang bumalik sa pamilya ko. Sila yung pinaka-importante sa akin ngayon," ani Roxanne (Shaina).
Sa huli, nanaig pa rin ang kagustuhan ni General Diana na pakalmahin ang mga kasama.
“Tayong lahat, huwag tayong tumigil maniwala, dahil hindi man natin kasama si Cardo, kasama natin lagi ang Diyos at hindi niya tayo pababayaan."
Agad naman itong naging trending sa social media at talaga namang pinag-usapan. Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento.
"Humuhugot yung scriptwriters!"
"'Di ba??? I was passively watching it kanina pero no'ng narinig ko iyong dialogue niya, natigilan talaga ako. Huhubels."
"Ses ganitong ganito tayo ngayon. Ramdam na ramdam ko yung linya ni Shaina. Na-teary eyed ako dun grabe! May diin yung pagod na ako line!"
"Parang binoses ni Shaina yung nararamdaman at frustrations ng 'minority' nowadays…"
"Grabe yung emosyon at pagbato ng linya ni Shaina! Ramdam na ramdam eh at relatable!"
"She represents each one of us of what we really want for our beloved country.Indeed may patama!"
Samantala, marami ring pumuri sa angking-galing ni Shaina na deserve na deserve daw magkaroon ng sarili niyang teleserye, lalo na't isa itong loyal Kapamilya.
"Shaina is underrated. Sana mabigyan siya ng chance na magkaroon ng sariling serye."
"Galing ng acting ni Shaina. She deserves another starring role from ABS-CBN. She could be an A-list star mabigyan lang ng magagandang projects. Remember that she stood for ABS-CBN noong nawalan ng franchise and a Kakampink. Qualified na qualified for a big project w/ a starring role."
"Sobra ang loyalty niya sa ABS pero yung mga nabigyan ng magandang project noong may franchise pa hayun nasa kabilang network na."
"Walang dialogue si Angel Aquino pero ganda ng akting tumagos sa puso niya ang mga sinabi ni Shaina. Nakakapagod talagang ipaglaban at papunta na sa kawalan ng pag-asa."
Samantala, patuloy pa ring napapanood ang "FPJ's Ang Probinsyano" sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online LIve, TV5, at A2Z Channel 11 gabi-gabi, mula Lunes hanggang Biyernes.